Kuha ang litratong ito noong isang buwan. Kung makikita nyo, ang layo ng agwat ko mula sa mga kasama ko. Naglakad kami mula sa resort sa may Sabang patungong Monkey Trail, papuntang Underground River. Halos dalawang oras na lakaran, maka-apat na beses na akyat baba sa mga hagdang-batong matarik. Dalawang oras ng hingal at pawis at uhaw. Napag-iiwanan ako ng mga kasamang dayuhan na tila daig pa si Speedy Gonzales sa bilis. Nawala ako sa loob ng gubat dahil sa kaka-litrato. Hindi uso sa mga dayuhan ang maghintayan. Tsk. Buti na lang binalikan nila ako makaraan ang kinse minutos. Mangiyak-ngiyak at galit na ako sa sarili ko at sa kasama kong nakuhang dalin ang bag ko, pero di nakuhang maghintay. Lintek, muntik na akong mag-ala Survivor sa Palawan! Nung sandaling yun, wala akong dalang kahit ano kundi ang SLR ko. Walang tubig, walang cellphone. Ni kendi wala. Wala kahit ano. Libag lang siguro. Nang nakita ko silang muli, galit at tuwa ang naramdaman ko.
Nang mawala ang galit ko dahil nakita kong na-guilty rin ang kasama ko, naglakad nang muli ako. Halos kalahating oras makalipas, narating na rin namin ang entrance sa Underground River. Dahil holiday nuon, dagsa ang mga turista. Karamihan ay Pilipino. May baong malalaking kaldero at nagpi-piknik habang naghihintay ng turn na makasakay sa plastic na banka papasok sa Underground River. Ayos naman na makita ang sikat na tourist spot, libre pala ang pagpasok duon. Kaso di ako okay sa naging tour guide dahil mahirap maunawaan ang kanyang salita. Pinilit kong intindihin at i-appreciate ang kanyang sinasabi pero halata sa mga kasama kong dayuhan ang frustration. Sa bandang dulo, di na lang kami nakinig nang husto at nag-concentrate na lang sa pagtingin ng mga kakaibang rock formations sa loob ng kweba. Dahil sobrang dilim, wala halos akong nakunan. At takot din akong mahulog ang SLR dahil makitid lang ang bangka at malalim ang tubig ruon. Halos 30ft o 50ft ata.
Hindi uso ang party dito di tulad sa Puerto Galera. Walang beer house o discohan pero may mga restaurant na pwede kainan nang kung ano anong masarap na putahe. Dahil mura ang accomodation namin (P600 per night sa dalawang tao), dito na lang kami bumawi. Tinodo namin ang budget sa pagkain!
Ang daming magagawa at makikita sa Palawan. Marami pa akong gusto ikuwento. Maraming islang maaring dalawin, trail na pwedeng lakarin, talon na pwedeng paliguan, ilog na pwedeng pagmasdan. Panalo talaga.
Apat na araw rin ako sa paraiso, pero parang kulang pa. Titiyakin kong bumalik sa archipelagong ito, pero siguradong matatagalan pa. Ngayong may passport na uli ako, uunahin ko munang makarating sa mga kalapit bansa dito sa Timog-Silangang Asia. Di ko pa kasi na-experience ito.
Eto pa ang ilan sa mga paborito kong litrato:
eto ang kalabaw na sumalubong sa amin sa sabang
mabatong parte ng sabang, tapat lang ito ng aming resort
eto ang bumungad sa akin pagdating ko ng sabang
sabang, palawan
on our way to the underground river