bago matapos ang buwan ng hunyo, nag-sponsor ang aming photo club ng walking tour at sa pagkakataong ito, sa chinese cemetery (malapit sa la loma north cemetery) naman kami pumunta. malapit lang ang sementeryong ito sa bahay ng lola at sa pagkakaalam ko, meron kaming mga kamag-anak na dito nakalibing, pero sa kabila nito hindi pa ako nakarating duon. wala akong inaasahang makita ruon kundi mga mosuleo, mga anghel na estatwa at templo pero ganon pa man, excited pa rin ako dahil natatandaan ko ang sinabi sa akin ng kaibigan kong dayuhan na mahilig din sa photograpiya, na isa sa paborito nyang lugar sa maynila ang sementeryong ito ng mga intsik. kaya hindi ko na talaga pinalagpas ang pagkakataon.
halos apat na oras kaming naglakad sa loob ng sementeryo (sinuguro naming matapos bago pa dumilim) at sa loob ng oras na ito, sa pagkakaalam ko, wala naman kaming nakita o naramdamang kakaiba... salamat na lang talaga dahil baka di ko kayanin kung sakaling may lumitaw na kung ano sa kung saan man... sa likod, sa gilid o sa harap namin o maging sa isa sa aming mga larawan. hay, buti na lang talaga!
ilan sa mga paborito kong kuha ay ang mga sumusunod: yung apoy, lotus flower, si juvy na nakasuot ng t-shirt na "i love HK" at may dalang payong, si lola habang binabasa ang nakasulat sa puntod ni apolinario mabini, pati na rin ang harapan ng templo at ang gothic-inspired na mosuleo. dito nga raw nilibing nung una si mabini, pero inilipat na ang mga labi nito sa batangas sa kanyang lalawigan. ilan pa sa mga kakaibang nakita namin duon ay mga gothic-inspired na mosuleo, libingan na itinulad sa arkitektura ng CCP at ng isang simbahan sa loob ng UP Diliman (malapit sa infirmary), libingan na may nagbabantay na sphinx, at libingan na hugis pagong! nakita rin namin duon ang libingan ng may-ari ng restaurant na "ma mon luk".
aliw talaga ako sa walking tour na ito, sana matuwa rin kayo sa mga litratong kinuha ko. click kayo dito. salamat!
No comments:
Post a Comment